Obrero todas sa gangster

MANILA, Philippines - Isang obrero ang napatay ng pinaniniwalaang pinagtripang barilin sa leeg ng isa sa apat na lalaki na hinihinalang miyembro ng isang “gangster” kahapon ng madaling-araw sa Pasig City.

Hindi na naisalba pa ng mga manggagamot ang buhay ng bikti­­mang si Jomar Carteza, 23, ng Phase 1 Ubas Street, Villa Cuana, Nagpayong 1, Brgy. Pinagbuhatan, dahil sa tinamong tama ng bala sa “adam’s apple” nito.

Sa ulat ng Pasig police, naganap ang krimen dakong ala-1 ng madaling-araw sa kahabaan ng Centennial 2, sa naturang baran­gay. Ayon sa mga saksi, nag-iisang naglalakad ang biktima nang dumaan ang isang tricycle lulan ang mga salarin na nagsisigawan pa.

Huminto ang tricycle sa tapat ng biktima, isa ang bumaba at malapitang binaril ang biktima ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril saka mabilis na nagsitakas.

Ayon sa pulisya, posibleng napagtripan lamang ang biktima ng isa sa mga bayolenteng gang sa lungsod na hindi maresolba ng mga opisyales ng barangay. Tinitignan rin ang posibilidad na may kaaway ang biktima na maaaring siyang may kaga­gawan ng krimen.

Show comments