MANILA, Philippines - Nadenggoy ang isang doktora ng halagang P29,000 nang makipagtransaksiyon ito sa pamamagitan ng internet sa isang umano’y Tsinoy na nagbenta ng kanyang i-phone, sa Sampaloc, Maynila, sa ulat kahapon.
Sa reklamong idinulog sa tanggapan ng MPD-General Assignment Section (GAS) ni Dr. Kristine Natalee Legaspi, 29, dermatologist, ng Don Quijote St., Sampaloc, isang Edison Go, ng Baguio City ang naka-transaksiyon niya subalit aminado na sa internet lamang.
Noong Hulyo 14, 2010 ay nag-post umano ang suspect ng ibinebentang i-phone mobile phone sa halagang P29,000 at agad niyang kinontak hanggang sa magkasundo na ideposito na lamang ang kabayaran sa account (3160-13579-4) sa Allied Bank branch, E. Rodriguez Branch, Quezon City.
Kapalit umano ay ipadadala sa cargo package ng Air-21 ang i-phone, dahil nasa Baguio City umano ang suspect. Ilang araw ang lumipas ay hindi pa dumarating ang package at hindi na rin makontak sa cellphone ng biktima ang suspect.
Bineripika ng biktima sa nasabing bangko kung existing ang account ng suspect, na kinumpirma ng bank manager na mayroon naman, bagamat hindi na nakakuha pa ng ibang impormasyon ang biktima dahil sa umiiral na bank secrecy law.
Nakabitin pa ang kaso dahil sinisikap pang matunton ang suspect.