'Estribo gang' sumalakay sa Quezon City

MANILA, Philippines - Isang grupo ng Estribo gang kasama ang isang babae bilang front ng kanilang operasyon ang target ngayon ng pag­tugis ng tropa ng Quezon City Police matapos na holdapin ang isang pampasaherong jeepney kahapon ng madaling-araw.

Ayon sa pulisya, ganap na ala-1:15 ng madaling-araw nang holdapin ng mga suspect ang isang pampasaherong jeepney (TYW-467) na mimamaneho ng isang Artempo Alcantara sa may Litex Road, Corne Abris Brgy. Commonwealth sa lungsod.

Bago ang insidente, sumakay umano ang mga suspect sa jeepney at nagpanggap na pasahero. Pagsapit sa naturang lugar, bigla na lamang umanong naglabas ng baril at patalim ang mga suspect sabay deklara ng holdap.

Agad na sinimulang limasin ng mga suspect ang gamit at mga alahas ng mga biktima, saka mabilis na nagsipagbabaan para tumakas sa madilim na bahagi ng naturang lugar.

Ayon sa pulisya, gumagamit ngayon ng babae ang mga suspect upang hindi na mahalata sa kanilang operasyon kaya pinaalalahanan nila ang publiko na doblehin ang pag-iingat sa pagsakay sa mga pampasaherong jeepney.

Show comments