MANILA, Philippines - Mahigpit pang hawak sa kanyang isang kamay ang kinitang pera sa magdamag na pamamasada nang matagpuang bangkay ang isang taxi driver matapos na manlaban at pagsasaksakin ng dalawang hinihinalang holdaper nitong pasahero sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Nakilala ang biktima sa pamamagitan ng kanyang mga kaanak na si Pablito Inocencio, 54, taxi driver, residente ng Purok 2 Bambang, Bulacan, Bulacan.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ni SPO1 Florencio Escobido, ng Crime Investigation and Detention Unit-Quezon City Police District, dakong alas-11 ng gabi nang matagpuan ang bangkay ng biktima habang duguang nakasubsob sa minamanehong Value Cab transport (PWU-533) na nakaparada sa madilim na bahagi ng Pantomina Mayor St., Lagro Subdivision, Brgy. Greater Lagro ng lungsod.
Nauna rito, ayon sa isang alyas Mark, residente sa lugar, nakita niya ang sasakyan na pagewang-gewang habang tinatahak ang nasabing kalsada.
Nang huminto ang taxi, nakita niya ang dalawang lalaking duguan ang pantalon na bumaba mula rito at nagmamadaling tumakbo papalayo sa lugar.
Agad na pinuntahan ni Mark ang taxi kung saan nang buksan niya ito ay tumambad sa kanyang harapan ang nakasubsob na biktima sa loob na tadtad ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.
Agad na ipinagbigay-alam ni Mark ang nakita kay PO3 Nazareth Baldonia na nataong napadaan sa lugar at mabilis na rumesponde at hinabol ang mga suspect ngunit mabilis ding naglaho sa madilim na bahagi ng Domingo de Ramos St., sa nasabing lugar.
Ayon kay Escobido, posibleng nanlaban ang biktima sa mga suspect habang kinukuha ang pera nito kung kaya napilitan siyang pagsasaksakin ng mga ito.
Narekober din sa loob ng kotse ang isang duguang patalim at pera na nagkakahalaga ng P1,400.