MANILA, Philippines - Anim katao kabilang ang anak ng dating Supreme Court Justice at isang Comelec official ang nasampolan ng Manila Police District (MPD) sa isinagawang operasyon laban sa wangwang.
Kabilang sa kinumpiskahan ng sirena o wangwang sina Rafael Claudio III Tehankee, anak ni dating Supreme Court Chief Justice Claudio Tehankee; Divina Flores, director ng Comelec ; Yan Kit Benny Wong, isang NBI interpreter; Myra Nayo ng Binondo, Maynila, Suh Na Lim ng Binondo at Joana Lim Ranoco ng Pasay City.
Ayon sa ulat, unang isinagawa ang operasyon sa kahabaan ng Plaza Cervantes, Binondo at naulit dakong ala-1:00 kamakalawa ng hapon sa kanto ng Taft Ave., at Qurino Ave at kanto ng Palanca at Casal St., sa Quiapo, Maynila.
Samantala, hinamon ni Land Transportation Office (LTO) Chief Alberto Suansing ang mga regional officers ng ahensiya na magbitiw sa tungkulin kung takot at ayaw manghuli ng sasakyan ng mga government officials na gumagamit ng wangwang.
Sinabi ni Suansing na walang dahilan para manatili pa sa kanilang posisyon ang mga opisyales ng LTO kung takot ang mga itong maipatupad ang batas. Ang pahayag ni Suansing ay ginawa nang iulat sa kanya ng kanyang mga regional directors na takot silang hulihin ang mga sasakyan ng mga government officials na may wangwang dahil baka sila ay mapag-initan at malagay sa panganib ang kanilang buhay. Ludy Bermudo at Angie dela Cruz