MANILA, Philippines - Tuluy-tuloy na ang 250 porsyentong pagtataas sa singil sa toll sa South Luzon Expressway (SLEX) bukas (Hulyo 7) hanggang hindi nakakatang gap ng kautusan para ipagpaliban ito.
Sinabi ni Toll Regulatory Board (TRB) spokesman Julius Corpuz na wala pa silang natatanggap na kautusan para ipagpaliban ito buhat sa bagong upong administrasyong Aquino.
Wala na umanong atrasan ito dahil sa una na nilang ipinagpaliban ang dati nilang iskedyul na Hunyo 30.
Ito’y sa kabila ng dalawang petisyon na isinampa nina Albay Governor Joey Salceda at ng abogadong si Ernesto Francisco Jr. sa Korte Suprema upang pigilan ang TRB at Manila Toll Expressway Systems, Inc. (MATES) na magpatupad ng naturang pagtataas hanggang walang nagaganap na “public hearing”.
Nabatid na kapag natuloy ang 250-percent increase ay papalo na sa P77 mula sa P22 ang sisingilin sa mga light vehicles tulad ng kotse, P155 naman sa mga buses na ngayon ay nasa P43 at P232 mula sa P65 sa mga heavy trucks. Nanawagan naman ang 1-Utak Transport group kay Pangulong Noynoy Aquino na agad na aksyunan na ang isyu sa toll fee hike bago ito tuluyang maipatupad. Sinabi ng grupo na wala namang “congressional franchise” ang Southern Luzon Tollway Corporation para mabigyan ng awtorisasyon na maningil ng toll fee at bumabase lamang ito sa prangkisa ng Philippine National Construction Corporation (PNCC) na nag-expire na umano noong taong 2007 pa. Samantala, nagpatupad naman ng rollback sa presyo ng petrolyo ang mga malalaking kompanya ng langis sa bansa.
Dakong alas-12:01 ng madaling-araw nang ibaba ng Filipinas Shell at Chevron Philippines ng P.75 sentimos kada litro ang presyo ng diesel at P.50 sentimos naman kada litro ng gasolina. Dakong alas-6 naman ng umaga nang sumunod sa mga ito ang Petron Corporation.