MANILA, Philippines - Ikinagulat ng marami ang kinahinatnan ng kuwarto ni Manila 3rd District Councilor Bernardito Ang nang madiskubre na binaklas ni dating 2nd District Councilor Ivy Varona ang mga gamit na nakalagay at nakakabit sa Room 461 na dating tanggapan nito kabilang na ang inodoro, lababo at pintuan ng banyo.
Dahil dito, naging tampulan ng kuwento ng kanyang mga kapwa mga konsehal ang ginawang pagtangay ni Varona ng mga konkretong gamit na nagging dahilan ng pag-alingasaw ng mabahong amoy na nanggagaling sa banyo.
Nabatid kay Ang na binigyan ng pagkakataon ang mga nanalong konsehal na mamili ng kanilang magiging kuwarto.
Dahil isang beteranong konsehal, hinayaan ni Ang na maunang mamili ng kuwarto ang kanyang mga kasamang nanalong konsehal hanggang sa matira sa kanya ang kuwarto ni Varona na natalo sa nakaraang eleksiyon.
Hindi naman makontak si Varona hinggil sa isyu.
Ayon sa mga nakausap ng Pilipino Star Ngayon, nagulat ang lahat nang malaman na hindi pa maaaring okupahan ang kuwarto dahil wala itong inodoro, lababo maging pinto ng banyo.
Tinanggal din umano ng kampo ni Varona ang salamin na nakakabit sa pader, kisame, switch ng ilaw , light bulbs at door closer.
Iniwan din ng kampo ni Varona ang tambak na basura.
Tinatayang aabot sa P500,000 ang magagastos upang maayos ang naturang opisina ni Ang.
Isa si 4th District Councilor Honey Lacuna sa mga nagulat sa iniwang tanggapan ni Varona.