MANILA, Philippines - Isang 27-anyos na construction worker ang nasawi matapos itong masagasaan ng isang rumaragasang pampasaherong bus sa kahabaan ng EDSA Avenue sa Makati City kahapon ng madaling-araw.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa Ospital ng Makati ang biktimang si Mico Gino Baul, ng #988 G.G. Cruz, Baclaran, Parañaque City.
Sa imbestigasyon ni PO3 Marvin Mendoza, ng Makati City Traffic Enforcement Unit, naganap ang insidente sa loading-unloading bay area dakong alas-3 ng madaling- araw sa South-bound, panulukan ng EDSA Avenue at Mantrade, ng nabanggit na siyudad.
Nakatayo at nag-aabang ng masasakyang bus ang biktima nang bigla itong sagasaan ng bus na humaharurot. Hindi naman nakuha ang pangalan at plaka ng bus.
Tumilapon ng ilang metro ang biktima subalit hindi naman ito hinintuan ng driver. Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga awtoridad upang matukoy ang bus at pagkakakilanlan ng driver na tumakas.