MANILA, Philippines - Isa ang namatay habang limang iba pa ang nasugatan makaraang masapol ng kidlat kahapon sa Quezon City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Christian Peñalosa, 24, binata, scavenger ng Phase-7, Purok-16 Payatas-B, QC habang patuloy na ginagamot sa East Avenue Medical Center (EAMC) at Quirino Memorial Medical Center (QMMC) ang mga nasugatan sa insidente na sina Janet Cumalingking, 21, Vergie delos Santos, 56; CheChe Ocho, 25; Menchie Baro, 36; may-asawa at Jesus Diones Sotto, 26; pawang mga scavenger din sa naturang lugar.
Sa ulat ni PO3 Pascual Fabreag ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) naganap ang insidente dakong ala-1:45 ng hapon sa Payatas dumpsite sa Bgy. Payatas-B, Q.C.
Sinasabing nakaupo ang anim na biktima sa lugar at habang nagkukuwentuhan at hinihintay ang parating na mga dump truck nang biglang bumuhos ang malakas na ulan doon at saka kumidlat.
Ayon sa mga nakasaksi sa insidente na sina Louis Arogante at Jerry Morales, kasabay ng malakas na ulan ang pagkidlat hanggang sa tinamaan ang mga biktima at tumilapon ng ilang metro.