MANILA, Philippines - Dumulog kahapon sa Manila Police District-General Assignment Section ang ina ng 16-anyos na binatilyong biglang naglaho sa presinto makaraang arestuhin umano ng tatlong pulis na nakatalaga sa Police Community Precinct-Barbosa, na sakop ng MPD-Station 3, sa Quiapo, Maynila.
“Ilutang ninyo ang anak ko nang buhay,” ani Gng. Maricon Cruz, 36, sa kanyang panawagan sa tatlong pulis na dumakip sa kanyang anak na si Joey, residente ng Manila East Road, Barangay San Roque, Angono, Rizal, may apat na araw na ang nakalilipas.
Ayon sa ginang, dalawa sa tatlong pulis ang itinuro at kinilala ng kasama ng kanyang anak na si Jobet de Leon na sina PO2 Michael Castillo at PO1 Rafael Oquila, ng Barbosa Police.
Sa salaysay ni Mrs. Maricon, noong Hunyo 15 nang paghintayin umano ni Jobet sa tapat ng United Methodist Church, sa panulukan ng Lepanto at C.M. Recto ang binatilyo upang bumili ng makakain sa isang tindahan at sa pagbalik niya ay hinuhuli na ito ng tatlong pulis.
Ipinaalam umano ni Jobet sa mga kaanak ng binatilyo ang insidente kaya nagtungo sila sa nasabing PCP subalit itinanggi ng mga pulis na naroon ang binatilyo.
Dahil naroon sa PCP si Oquila, itinuro siya ni Jobet na kasama sa umaresto sa binatilyo subalit tumanggi ito.
Nakatakdang ipatawag ang mga itinuturong umaresto sa nawawalang binatilyo.
Ayon sa pulisya, maaring sampahan ng kasong arbitrary detention at abduction ang mga pulis kung mapapatunayang sila ang responsable sa pagkawala ng binatilyo.
Gayunman, nanawagan ang ginang sa mga awtoridad na huwag namang i-salvage ang kanyang anak.