MANILA, Philippines - Nagwakas ang pamamayagpag ng kilabot na Allan Ramirez drug group sa lalawigan ng Cavite matapos na masakote ang mga ito ng tropa ng Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang operasyon sa naturang lalawigan, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni PDEA Director General/Senior Undersecretary Dionisio R. Santiago, ang mga suspect na sina Allan Ramirez, lider ng grupo; Ariel Cuyzon, alyas Buboy; Manalo Botones, alyas Loloy; at Rosauro Botones; pawang mga residente sa Brgy. Talaba 5, Bacoor Cavite.
Ayon kay Santiago, nalambat ang mga suspect base sa ipinalabas na search warrant ni Judge Amor Reyes, executive Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 21 sa Manila laban sa mga suspects. Ganap na alas- 9 ng umaga nang simulan ng PDEA agents mula sa Regional Office 4A, Metro Manila Regional Office Intelligence and Investigation Service and Special Enforcement Service ang pagsalakay sa lungga ng grupo kung saan nadakip ang mga ito.
Nakuha kay Ramirez ang dalawang plastic sachet ng shabu, habang kay Cuyzon na nasa drug watch list ng PDEA ay isang plastic sachet ng shabu at isang brick ng pinatuyong marijuana. Kina Manalo at Rosauro naman ay tatlong piraso ng plastic sachets ng shabu. Sinabi ng PDEA, tumitimbang ng 69.9 gramo ng shabu at 371. 4 gramo ng marijuana ang nakuha sa mga suspects sa naturang operasyon.