MANILA, Philippines - Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang dalawang babae na pi naniniwalaang miyembro ng Ativan Gang na nanlimas ng mga kagamitan at pera ng isang Koreano na umaabot sa halos P500,000 na isinama ng huli sa kanyang tinutuluyang condominium sa lungsod Quezon.
Dumulog sa tanggapan ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang biktimang si Kwon Joong Hwon ng Unit 22, N. Orchard I, Eastwood City, Brgy. Bagumbayan, Quezon City.
Ayon sa biktima, umuwi siya sa kanyang condo kasama ang dalawang babae na hindi niya kilala noong Linggo ng gabi hanggang sa makatulog at magising Lunes ng umaga.
Dito ay napansin niyang wala na ang dalawang babae maging ang kanyang mga personal na kagamitan at pera na kinabibilangan ng isang Sony camera na nagkakahalaga ng P65,000; Sony DVD P6,000; Nokia EG3 cell phone P23,000; Iphone P40,000; Black Berry P38,000 at cash na P253,000 na may kabuuang P425,000.
Sinabi naman ng pulisya na posibleng may pinainom na pampatulog ang dalawang bebot sa biktima kung kaya agad itong nakatulog.
Nagbabala naman ang awtoridad sa mga dayuhan na huwag maging kampante sa pagdadala ng mga babae na bagong kakilala lamang nila sa kanilang tinutuluyan dahil ilan sa mga ganito ay estratehiya na manloko ng dayuhan.