Sa nabinbing allowance ng mga tauhan: Station commanders sa Maynila, iimbestigahan

MANILA, Philippines - Ipinag-utos kahapon ng National Capital Regional Police Office (NCR­PO) ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon sa ulat na hindi pagbibigay ng ilang “station commanders” ng Manila Police District (MPD) ng P1,000 election duty allowance sa kanilang mga tauhan na nagmando nitong naka­raang halalan.

Sa nakarating na rek­lamo kay NCRPO chief, Director Roberto Rosales, hindi pa naibibigay sa ma­raming mga pulis ang kanilang allowance sa kabila na higit isang buwan na ang nakalilipas maka­raang magbigay sila ng seguridad noong Mayo 10.

Pangungunahan ng Regional Investigation and Detective Management Division (RIDMD) ang imbestigasyon kung saan hindi lamang sa MPD ito ipatutupad kundi maging sa ibang district offices sa Metro Manila upang ma­tiyak na hindi “isolated” ang kaso.

Pinagsabihan ni Ro­sales ang mga pinuno ng mga District Comptrollership Division na utusan ang lahat ng mga “chief of police (COP)” at station commanders na magsu­mite ng mga dokumento na nagpapakita na naibi­gay na ang mga allowances ng kanilang mga tauhan.

Ipinatawag na rin ni Rosales ang mga hepe ng pulisya na hindi muna nito pinangalanan upang mag­bigay ng kanilang pahayag sa mga sumbong laban sa kanila.

Nagbabala pa ito na lahat ng mapapatunayang nagkasala ay papatawan ng karampatang parusa.

Show comments