Obrero itinumba ng 2 armado

MANILA, Philippines - Butas ang bungo at katawan ng isang obrero makaraang ratratin ng dalawang armadong suspect sa harap ng kanyang live-in partner sa lungsod Quezon kamakalawa.

Dead-on-the-spot sa lugar ang biktimang si Rolando Magbanua, 29, binata ng Sampaguita Extension, Brgy. Payatas A, sa lungsod.

Natukoy naman ang isa sa suspect sa pangalang Ador Alit, alyas Badong na mabilis na tumakas sakay ng isang kulay itim na van.

Ayon sa inisyal na ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may Ilang-ilang St., ng nasabing barangay ganap na alas-10 ng gabi.

Bago ito, nagpunta umano ang biktima kasama ang live-in patner na si Nenita Pagador sa kanilang barangay upang ayusin ang reklamong ibinibintang umano dito ng ilang residente partikular ang paghoholdap.

Pero lumipas ang ilang oras ay hindi sumipot ang nagrereklamo sa biktima kung kaya nagpasya ang barangay na pauwiin na ito.

Habang naglalakad ang dalawa sa nasabing lugar biglang sumulpot ang mga suspect at pinagbabaril ang biktima.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspect sakay ng nasabing sasakyan.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.

Show comments