Paggiba sa mga bgy. hall walang halong pulitika - building official

MANILA, Philippines - Tiniyak ng City Engineering Office ng Manila City hall na walang halong pulitika ang kanilang gina­gawang paggiba sa mga barangay hall sa May­nila dahil layon lamang nila na linisin at ayusin ang daloy ng trapiko sa Maynila.

Ang paniniyak ay ginawa ni Engr. Melvin Balagot, City Building official sa kabi-kabi­lang mga aku­sasyon kung saan sinasa­bing gini­giba ang mga ba­rangay hall kung saan ang chairman ay taga suporta ni dating Environment Secretary Lito Atienza.

Ayon kay Balagot, tam­bak na ang reklamo na ka­nilang natatanggap hinggil sa pagsi­sikip ng daloy ng trapiko sa lungsod kung ka­yat dapat lamang nila itong aksiyunan.

Aniya, nakakadagdag pa sa pagsisikip ng daloy ng tra­piko ay ang mga kalsa­dang ginagawa bilang pag­ha­handa naman sa posib­leng pagbaha sa panahon ng tag-ulan.

Dahil dito, pinayuhan ni Balagot ang mga nang-iintriga sa administrasyon nila Manila Mayor Alfredo Lim at Vice Mayor Isko Moreno na tigilan na ang kanilang gina­gawa at sa halip ay makipag­tulungan na lamang sa mga pro­yekto ng city government upang mas mapadali ang pag­bibigay ng serbisyo sa mga Mani­lenyo.

Show comments