MANILA, Philippines - Napigilan ng pinagsanib na puwersa ng Eastern Police District (EPD) at Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) ang tangkang pagdukot ng isang kidnap for ransom gang kung saan isa sa mga ito ang nasawi habang isa pa ang arestado sa naganap na shootout, kamakalawa ng gabi sa Pasig City.
Namatay habang ginagamot sa Rizal Medical Center ang suspek na si Red Osongco, ng Pandacan, Manila, habang hawak naman ng PACER ang kasamahan nito na si Christopher Velasco, 24, ng Lower Bicutan, Taguig City.
Sa ulat na inilabas ng Pasig City police, nabatid na unang nakipag-ugnayan sa kanila si Supt. Rolando Magno ng PACER ukol sa namonitor nilang operasyon ng isang kidnap for ransom sa lungsod. Dito nagtulungan ang EPD at PACER kung saan nasabat ang grupo ng mga suspek pasado alas-5 kamakalawa ng hapon sa may Lanuza Drive malapit sa gate ng Valle Verde II sa Brgy Ugong, Pasig.
Nakatakdang dukutin sana ng mga suspek ang isang mayamang negosyante sakay ng asul na Chevrolet Tahoe na itinago ang pagkakakilanlan para sa proteksyon nito.
Dito nakabarilan ng mga pulis ang mga suspek kung saan napuruhan si Osongco habang nasakote naman si Velasco. Nakatakas naman ang dalawa pang suspek sakay ng isang motorsiklo.
Narekober sa lugar ng barilan ang isang itim na SYM motorcycle (PR7319), isang kalibre .45 baril, at mga bala ng M-16 armalite rifle.
Nabatid na unang humingi na ng tulong sa PACER ang bibiktimahin sanang negosyante matapos na makatanggap ng “extortion demand” buhat sa hindi nagpakilalang salarin na nanghihingi ng P500,000. Dito naman nagbigay ng proteksyon ang PACER hanggang sa matunugan ang tangkang pagdukot sa biktima.
Inaalam pa naman ngayon ng pulisya kung anong grupo kinabibilangan ng naturang mga suspek. (Danilo Garcia at Joy Cantos)