MANILA, Philippines - Dumulog sa Manila Police District-Women and Children’s Desk ang isang magandang estudyante kaugnay sa panloloob at panggagahasa sa kanya ng di-nakilalang lalaki, sa Sam paloc, Maynila kamakailan. Sa paglalarawan ng biktimang itinago sa pangalang “Sarah”, 19, at pansamantalang nangungupahan sa isang apartment sa Sampaloc, Maynila, ang suspek ay nasa edad na 28 hanggang 32, may taas na 5’8’’ hanggang 5’9’’, payat at maitim.
Sa salaysay niya kay C/Insp. Anita Araullo, dakong alas-10:30 ng umaga noong Linggo nang tumunog ang doorbell nila kaya sinilip niya ang maliit na butas.
Nang walang makitang tao ay binuksan niya ang pintuan at nagulat siya nang sumulpot ang suspek at nagkunwaring may itatanong lang. Nang isasara niya ang pintuan ay hinarang siya ng suspek habang hawak ang patalim.
Dahil sa insidente, nagising ang kasama ng biktima sa apartment, ang pinsan niyang lalaki, na tinakot umano ng suspek at pinadapa.
Nagawa pa umanong maigapos ng suspek ang mga paa at kamay ng pinsan ng dalaga, gamit ang sintas ng sapatos at cellphone charger at binusalan ng foam ang bibig, habang hawak umano ang patalim na nakatutok sa dalaga.
Nagsimula umanong maghalughog ang suspek habang hawak ang dalaga.
Bago pa umalis ang suspek, tinutukan umano siya at pinahiga, tinakpan ng foam ang bibig at hinubaran ng suspek at dito siya sinimulang halayin bago tumakas.