MANILA, Philippines - May 100 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang lamunin ng apoy ang may 50 kabahayan sa lungsod Quezon kamakalawa.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa tahanan ng isang Mrs. Legarde na matatagpuan sa no. 418 Carmona St., San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa ganap na alas 11:44 ng gabi.
Dahil pawang mga yari sa light materials ang mga bahay, mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa madamay na rin ang kalapit bahay nito.
Umabot naman sa ika-4 na alarma bago tuluyang ideklarang fire out ang sunog. Wala namang iniulat na nasaktan o nasawi dito.
Patuloy namang iniimbestigahan ng otoridad ang sanhi ng insidente kung saan may nagsasabing sinadya umano ang pangyayari. Ang halaga ng pinsala ay patuloy ring iniimbestigahan.