MANILA, Philippines - Dahilan sa pambubugbog sa asawang Pinay, kaya’t pinagbawalang pumasok sa bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Belgian national.
Ipinag-utos ni BI Commissioner Marcelino Libanan ang paglalagay sa Immigration blacklist base na rin sa kahilingan ng Department of Foreign Affairs (DFA) kay Luc de Nocker matapos na matanggap nilang impormasyon mula sa Philippine Embassy sa Brussel kaugnay sa reklamong isinampa ng asawang Pinay ni Nocker. Base sa reklamo, humingi ng tulong sa embassy ang asawang Pinay ni Nocker noong Abril 12 matapos itong ma-ospital at ang kanyang anak na sanggol bunsod sa pambubugbog ng Belgian national.
Sumailalim umano sa operasyon sa balikat ang asawa ni Nocker bunsod sa ginawang pambubugbog nito subalit kaagad namang naaresto ng Belgian police ang suspek.
Sinabi naman ni Libanan na ang paglalagay sa blacklist sa suspek ay bilang proteksyon ng gobyerno sa mga Filipino lalo na ang biktima ng mga pang-aabuso ng mga dayuhan.
Nilinaw naman ni Libanan na kahit na nasa kustodiya na ng pulisya si Nocker ay inilagay na ito sa blacklist upang mapigilan ang muling pagpasok sa bansa kapag nakapag asawa ulit ito ng isang Pinay matapos na mapawalang bisa ang nauna nitong kasal sa isa ring Pinay na nagreklamo sa kanya.