MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) senatorial candidate Joey de Venecia III sa lahat ng partido-politikal na magkaisa matapos maproklama ng Kongreso ang mga nanalong kandidato na tumakbo sa mga national positions.
Kasabay nito’y binabati rin ni De Venecia ang lahat ng kandidato sa pagka-senador na napabilang sa Magic 12 na naiproklama ng Commission on Elections gayundin ang kanyang pasasalamat sa may 9 milyong Pilipino na nagtiwala sa kanya nitong nagdaang eleksyon
Ipinangako ng batang De Venecia na kahit nasa pribadong sektor siya, itutuloy pa rin niya ang paglaban sa katiwalian at pagsusulong sa pagtayo ng iba’t ibang inprastruktura; at ang paggamit ng computer at internet ng ating mahihirap na kababayan.
“Nais kong pasalamatan ang aking mga kaibigan, taga-suporta at miyembro ng aking pamilya na naging katuwang ko sa kauna-unahang paglusong sa politika. Tayo ay nagtagumpay sa paglulunsad ng isang marangal na kampanya na naka-base lamang sa isyu. Batid ko ang tiwala at resposibilidad na iniatang sa akin ng siyam na milyong botante,” ani pa ni De Venecia.
Higit sa lahat ay kailangan ng pagkakaisa, ayon kay de Venecia bilang mabilis na paraan upang agad na makabangon ang bansa.