MANILA, Philippines - Napisak ang katawan ng isang 22-anyos na dalaga makaraang malaglag sa motorsiklong inaangkasan nito ay magulungan pa ng kasunod na truck sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Gemmalyn Balubayan, dalaga, ng Vicente St., Karuhatan, ng naturang lungsod habang nilalapatan naman ng lunas sa St. Luke’s Hospital ang nagmamaneho ng motorsiklo na si Remarte Dela Cruz, 35, ng San Rafael, Bulacan.
Kusang-loob na sumuko sa mga awtoridad ang driver ng trailer truck (TMX-583) na si Christopher Bulos, 22, ng Burgos St., Canumay, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Valenzuela Police, naganap ang trahedya dakong alas-9:53 ng gabi sa McArthur Highway sa tapat ng isang gasolinahan sa Brgy. Karuhatan.
Ayon sa mga saksi, bigla umanong nahulog sa motorsiklo si Balubayan sanhi upang mawalan ng kontrol sa pagmamaneho si Dela Cruz at tuluyang sumemplang.
Mas minalas naman ang babae nang hindi agad makapagpreno ang kasunod na truck na minamaneho ni Bulos at tuluyan itong nagulungan at nakaladkad pa ng ilang metro. Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso at inihahanda na rin ang pagsasampa ng kasong reckless imprudence re sulting to homicide laban sa driver ng truck.