MANILA, Philippines - Labis na depression o kalungkutan sa buhay ang nagtulak sa isang chef para magpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa Project 3, Quezon City, iniulat kahapon.
Ang biktima ay kinilalang si Roberto Hebron, 34, may-asawa ng 30 Ipil St., Project 3.
Ayon kay PO3 Manuelito Juanson, may-hawak ng kaso, labis na depresyon sa buhay ang naramdaman ng biktima mula nang mawalan ng trabaho at hiwalayan ng asawa.
Sa ulat, ganap na alas-7:15 ng umaga nang matag puang walang buhay ang biktima ng kanyang kuya na si Renato habang nakabitin sa dooknob ng cabinet gamit ang nylon cord.
Agad na tinanggal ng kapatid buhat sa pagkakabitin ang biktima at itinakbo sa World City Medical Center ngunit idineklara din itong patay.
Dagdag ni Juanson, ito ang ika-apat na pagtatangka ng biktima na tapusin ang kanyang buhay, kung saan ang iba ay sa pamamagitan ng paglaslas sa kanyang pulso ngunit agad itong naisasalba. Pero sa huling pagkakataon ay hindi na ito nakaligtas pa.
Hindi na rin umano pina-autopsy ng kanyang mga kaanak ang katawan ng biktima dahil naniniwala umano ang mga ito na nagpakamatay ito at walang foul play.