MANILA, Philippines - Sinalpok muna ang sinasakyan bago hinoldap ng tatlong hindi nakikilalang lalaki ang dalawang kawani kung saan natangay sa mga ito ang ha lagang tinatayang nasa P1.7 million na nakatakda sanang ideposito sa isang banko kahapon sa Valenzuela City.
Kinilala ang mga biktimang sina Rodelio Geronimo at Marites Machucar, kapwa empleyado ng Elison Steel Bars, na pag-aari ng isang Elizabeth Tan.
Sa imbestigasyon ng Valenzuela City Police, naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng umaga sa kahabaan ng Mac Arthur Highway, Brgy. Dalandanan ng nabanggit na siyudad.
Nabatid na sakay sina Geronimo at Machucar sa service nilang Ford Everest upang ideposito sa bangko ang nasabing halaga. Pagsapit sa nabanggit na lugar binangga ang likuran ng kanilang sinasakyan ng mga suspek.
Agad na bumaba si Geronimo upang alamin ang pinsala subalit agad silang tinutukan ng mga baril ng mga suspek.
Nilapitan ng mga suspek si Machucar at sapilitan kinuha ang dalang pera na nakalagay sa brown bag bago tumakas dala ang kotseng hindi na nakuha ang plaka.