MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si Vice Mayor Isko Moreno na huwag nang isali ang Imahe ng Birheng Maria sa pamumulitika makaraang umabot sa kanilang lugar, sa ika-2 distrito ng Maynila, ang pag-iikot ng imahe sa bahay-bahay at kaakibat ang ‘Black Rosary’ na may titulo sa ibabaw na “Prayer for Peace/Clean/Honest Elections”.
Ito’y sa kabila ng hindi pagbibigay ng permiso ng Kura Paroko ng simbahan sa isang alyas “Beng” para sa nasabing padasal dahil hindi umano dapat gamitin sa pangalan nito sa kampanya sa pulitika. Bukod sa bawat bahay ay pinapipirma ng mga pangalan ang mga residente na iikutan ng imahe ng Mahal na Birhen, may nakahandang panalangin ang grupo na maging dito ay binabanggit ang pangalan ni Manila mayoralty candidate Lito Atienza.
Ayon pa sa mga residente na karamihan ay mula sa lugar ng Katamanan at Delos Reyes sa Tondo iniikot ang padasal. Nakatala din ang pangalan, zone at barangay numbers, address, birthday, contact numbers at oras ng pagdalaw ng “Birhen ng Maria” sa isang listahan na may titulo sa ibabaw na “Prayer for Peace/Clean/Honest Elections” at diumano ay sa ilalim ng ‘Mahal Ko si Lolo’t Lola’ program para sa District 2. Ang naturang listahan ay isinusumite naman umano ng mga supporters sa kanilang headquarters sa Opal Street.
Gayunman, sa halip na nakagawiang dasal at rosary, may nakahandang ‘panalangin’ ang grupo na tinawag nilang ‘Panalangin Para sa Bayan’ kung saan binabatikos ang administrasyon ni Manila Mayor Alfredo Lim.