MANILA, Philippines - Pinatitigil ng Commission on Human Rights (CHR) ang New People’s Army sa pangongolekta ng permit to campaign fee at permit to win fee sa mga kandidato.
Sinabi ni CHR Chairperson Leila de Lima, na kahit anong argu mento ang ibigay ng rebeldeng komunista ay malinaw na isang uri ng pangingikil ang permit to campaign fee at permit to win fee.
Ayon kay de Lima, ang extortion activity na ito ng mga NPA ay lantarang paglabag sa karapatan ng mga kandidato na makapangampanya at maipaliwanag sa publiko ang kanilang plataporma. Nilalabag din umano nito ang karapatan ng mga botante na makilala ang mga pinagpipilian nilang ihahalal sa pwesto.
Hinahamon ni de Lima ang liderato ng CPP-NDF na sumunod sa mga batas, panuntunan, polisiya at maging sa international conventions para sa karapatang pantao. Pero pinagsabihan din ng CHR ang gobyerno dahil responsibilidad umano nito na protektahan ang karapatan ng mga kandidato at mga botante laban sa pangingikil ng mga rebelde.
Hindi umano sapat na kinokondena lamang ng gobyerno ang permit to campaign at permit to win ng NPA kundi dapat na patatagin ang seguridad sa bansa upang maging malaya ang pangangampanya ng mga kandidato ng hindi kinakailangang magbayad ang mga ito.