MANILA, Philippines - Arestado ang isang tomboy at isang ginang na nasamsaman ng milyung halaga ng cocaine sa isina gawang hiwalay na operasyon ng pulisya at PDEA sa Caloocan at Quezon City.
Sa Caloocan nadakip ang tomboy na si Liza Campoto, 28, ng General Trias, Cavite.
Ayon kay Chief Insp. Jay Agcaoili, hepe ng District Anti-Illegal Drugs nakatanggap sila ng impormasyon na naghahanap ng buyer ng cocaine na galing sa Samar ang suspek.
Agad na nagsagawa ng buy-bust operation ang DAID alas-10:15 ng umaga sa tapat ng isang foodchain sa Rizal Avenue Extension, Monumento ng lungsod.
Nang iabot ng suspek ang cocaine sa umaktong buyer ay agad na dinamba ito ng pulisya. Nakuha sa suspek ang isa at kalahating kilo ng cocaine na nagkakahalaga ng P4 million.
Samantala, nalambat naman ng tropa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang ginang na nakuhanan ng may isang kilo ng cocaine na pinaniniwalaang kabilang sa bulto ng drogang itinapon sa karagatan ng Samar matapos ang isinagawang buy-bust operation sa isang supermarket sa lungsod Quezon kahapon ng hapon.
Sa inisyal na ulat ng PDEA, nakilala ang suspect na si Isabela “Delia” Placiente, 47, ng Purok 4, Area 7, Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Nadakip ang suspect sa harap ng isang supermarket sa Brgy. Commonwealth pasado ala-1 ng hapon.
Bago nito, nakipagtransaksyon umano si Placienta sa isang asset ng PDEA para sa pagbebentahan ng nasabing droga.
Bitbit ang P500,000 marked budol money ay isinagawa ang buy-bust operation sa nasabing lugar kung saan nang magkapalitan ng items ay saka inaresto si Placienta.
Sa interogasyon, ikinatwiran ni Placienta na pinakuha lang umano sa kanya ang nasabing droga ng kanyang kapatid na nasa piitan ng Quezon City Jail matapos na dalawin niya ito kamakailan at ipinabebenta lamang sa kanya.
Ang ginang ay nasa pangangalaga ngayon ng PDEA sa main office nito habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon.