Manliligaw ng anak pinatay ng ama

MANILA, Philippines - Isang mister ang sinaksak at napatay ng ama ng babaeng kanyang nililigawan nang matuklasan ng suspek na may asawa na ang biktima sa Bagong Silang, Caloocan City kahapon ng umaga.

Patay na nang idating sa Jose Rodriguez Me­morial Hospital ang biktimang si Rixon Quiroben, 32, nakatira sa Phase 8-B, Bagong Silang at nagtamo ng saksak sa dibdib buhat sa isang ice-pick.

Kasalukuyan namang pinaghahanap ng pulisya ang suspek na si Bonifacio Lebrea, 58, kalugar ng biktima. Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10 ng umaga sa Phase 8-B.

Nalaman ni Lebrea na masugid na manliligaw ng kanyang anak na dalaga na si Monaliza si Quiroben. Nagalit siya dahil meron nang asawa ang biktima.

Dahil dito, sinugod ng suspek ang bik­tima upang komprontahin hanggang sa nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa.

Binunot ng suspek ang nakatago niyang ice-pick at inundayan ng saksak ang biktima at duguan itong humandusay.

Mabilis na isinugod sa nabanggit na pagamutan ang biktima ng kanyang mga kaanak ngunit hindi na umabot ng buhay at ang suspek naman ay mabilis na tumakas.

Show comments