MANILA, Philippines - Muli na namang umatake ang kilabot na carjacker sa lungsod Quezon matapos na isang negosyante ang natangayan na naman ng sasakyan dito, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Ang insidente ay nabatid matapos na pormal na magreklamo kahapon sa himpilan ng Police Station 10 sa Kamuning ang biktimang si Edgar Cruz, 53, may-asawa ng 13-B, Panay Avenue, V-311 SJB condominium, Barangay South Triangle.
Ayon sa biktima, ang mga suspek ay armado ng baril at sakay ng isang 250 cc motorcycle at tumangay ng kanyang model 2008 Mazda 3 na kulay silver (ZRF-461).
Sa pagsisiyasat ni SPO2 Jorge Villanueva, desk officer ng nasabing himpilan, nangyari ang insidente sa may Sct. Tuazon Avenue St. corner Mother Ignacia Avenue nitong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa biktima, sakay siya ng kanyang sasakyan at tinatahak ang nasabing lugar nang humarang sa kanya ang isang motor siklo sakay ang tatlong armadong suspek.
Isa sa mga suspek ang agad na bumaba sa motorsiklo at tinutukan ang biktima saka puwersahang kinuha sa kanya ang kanyang sasakyan at pinaharurot papatakas patungong Quezon Avenue.