MANILA, Philippines - Himalang nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang isang probinsyana na nagtamo ng pinsala sa mukha at katawan makaraang tumalon sa may 15 hanggang 20 talampakan taas para magpakamatay bunga ng pagkagutom at desperasyon sa buhay sa lungsod Quezon, kahapon.
Si Divina Bulasa, tubong buhol ay nilalapatan ngayon ng lunas sa East Avenue Medical Center sanhi ng matinding sugat sa mukha at pagkabali ng kanyang braso.
Ayon sa ulat, si Bulasa ay isinama ng hindi nakikilalang lalake sa Manila, ngunit iniwan din dito ng mag-isa sanhi upang sumablay ito sa pagkain.
Dahil dito, naging aburido sa buhay ang biktima at nakadagdag na rito ang hindi pagkain ng ilang araw. Ayon pa sa ulat, bago ginawa ng biktima ang pagtalon ay naglaslas muna ito ng kanyang kanang pulso, ngunit agad na natulungan ng ilang residente at nalapatan ito ng lunas.
Base sa ulat, nangyari ang pagtalon ng biktima sa may bubungan ng Sprinter motorshop sa panulukan ng Tomas Morato at E.Rodriguez Sr. ave., Brgy. Mariana, sa lungsod, ganap na alas- 7 ng umaga.
Ayon sa barangay opisyal sa lugar, bago nito, nakita nila ang biktima na patakbu-takbo sa kalye hanggang sa umakyat sa bubungan ng nasabing talyer.
Dahil sa nakita nilang kakaibang gagawin ng biktima ay agad nila itong inakyat at kinausap ng mahinahon para bumaba, hanggang sa humingi umano ito ng pagkain dahil nagugutom.
Ngunit habang inaabot ng nagmamalasakit na isang residente ang isang sandwich sa biktima, bigla na lamang tumalon ito, matapos na magulat umano sa isang lalake na bigla na lang umakyat para tumulong sa rescue operation.
Sa pagbagsak, unang tumama ang mukha ng biktima sa semento bago ang katawan kung kaya agad nila itong itinakbo sa nasabing ospital kung saan ito naagapan ng mga doktor.
Dahil walang kakilala ang biktima at naging pagala-gala sa Manila ay ilang araw na rin itong hindi kumakain kung kaya tinangka na nitong magpakamatay.