MANILA, Philippines - Tiniyak ng bagong talagang chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na si Jimmy Pesigan na pabibilisin niya ang sistema sa ahensiya upang hindi na mahirapan ang publiko sa pagpoproseso ng kanilang mga papeles at prangkisa.
Ayon kay Pesigan, isa sa mga naobserbahan niyang suliranin na dapat lutasin sa LTFRB ang madalas na pagpapabalik-balik ng publiko para sa kanilang mga dokumento.
Aniya nitong nakaraang linggo ay marami sa mga prangkisa ang agad niyang nilagdaan matapos marebyu at mai-release kaagad nang hindi na maburo pa sa kanilang tanggapan.
Sinabi pa ni Pesigan na sa pamamagitan din ng bagong isinusulong na LTO-LTFRB Interconnectivity na nilagdaan kamakailan sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement (MOA) ay mas magiging mabilis na din ang pagrerehistro ng mga pampublikong sasakyan na nasa malalayong lugar.