MANILA, Philippines - “Gimik lang ’yan at ’di ’yan bago,” ‘yan ang reaksyon ni Quezon City Vice-Mayor Herbert ‘Bistek’ Bautista sa reklamong plunder na inihain laban sa kanya ng isang nagngangalang Nick Salameda sa opisina ng Ombudsman.
“Gusto lang nilang buhayin ang isang lumang isyu,” paliwanag ni Bautista. “Ito na ang naging strategy ng dirty tricks department ng administrasyong GMA. At medyo natutuwa nga ako’t dinala na nila ito sa tamang forum.”
Sinabi ng kandidato ng Liberal Party (LP) sa pagka-mayor ng Quezon City na hindi sapat ang reklamo para madiskaril siya sa kanyang kampanya. Pinagkibit-balikat na lang niya ang hindi matapus-tapos na akusasyon at sinabing nakikini-kinita na ng kanyang mga abogado ang pinakahuling hakbang na ito ng kanyang mga katunggali sa pulitika.
“Wala akong dapat itago so hihintayin ko na lang ang resolution,” ani Bautista. “Nakakalungkot na habang ang kampanya natin ay nakasentro sa mga programa para sa kaunlaran, minarapat ng ating mga katunggali na mag-focus sa basura ng Quezon City politics.”
Dinagdag pa ni Bautista na hindi niya ikinagulat ang pagsampa ng harassment case laban sa kanya dahil ginamit ng administrasyon ang ganitong taktika laban kina Senador Noynoy Aquino, Mar Roxas at ibang kandidato ng Liberal Party.
“Lahat ng black propaganda laban sa kandidato ng Liberal Party, maging kina Senador Aquino at Roxas ay walang saysay. Sila pa rin ang nangunguna at lumalaki ang lamang nila sa kanilang mga katunggali linggu-linggo.