Lolo natusta sa sunog

MANILA, Philippines - Isang 63-anyos na lolo ang nasawi matapos na matupok ang kanyang bahay kung saan naka­burol ang yumao nitong ka­patid kahapon ng mada­ling-araw sa Marikina City.

Kinilala ang biktima na si Ben Cordova, ng 14 Pre­sident Marcos St., Brgy. Industrial Valley Complex, ng nasabing lungsod. 

Nailigtas naman sa pagkatupok ang bangkay ng kanyang kapatid na si Nellie Sison na ibinurol sa loob ng naturang bahay.

Ayon sa ulat, dakong alas-12:15 ng madaling- araw ng magsimula ang sunog na tumagal ng ma­higit sa isang oras.

Nabatid na posibleng nagmula ang apoy sa ku­warto ng biktima kung saan hinihinala na natabig nito ang sinindihang kan­dila.  Hindi na nailigtas ng mga kaanak si Cordova na naipit sa loob ng kuwarto nito.

Ayon sa mga kaanak ni Cordova, nauna nilang ini­likas ang bangkay na nasa loob ng ataul at huli na nang mabatid na nasa loob ng natutupok na kuwarto si Cordova.

Labis na sakit ngayon ang nararanasan ng mga kapamilya nina Cordova at Sison kung saan inilipat na ang burol ng kanilang mga bangkay sa barangay hall ng Brgy. IVC, ng naturang lungsod.

Show comments