MANILA, Philippines - Isa sa dalawang hinihinalang holdaper-snatcher ang napatay ng isang tauhan ng pulisya na nakatalaga sa Camp Crame matapos manghablot ng kwintas sa ineeskortang VIP, habang binabagtas ang kahabaan ng Taft Avenue, Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Namatay noon din ang suspect na inilarawan sa edad na 35, katamtaman ang pangangatawan, may tattoo na “Raymund Balyada” sa likod, habang ang isa pang suspek na ka-riding in tandem nito ay nakatakas dala ang kwintas at armas na ginamit sa panunutok.
Kinilala naman ang nakabaril na si PO2 Jesus Salvador Jr., 29, binata, nakatalaga sa PNP-PSPG, sa Camp Crame.
Sugatan naman at ginagamot sa Ospital ng Maynila si Juniel Guelas, 17, estudyante na tinamaan ng bala sa kaliwang paa.
Sa imbestigasyon, dakong alas-6 ng gabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng Quirino at Taft Avenue sa Ermita, Maynila.
Sinabi ni Salvador na sakay ito ng isang Ford F-150 kasama ang ini-escortan nitong isang VIP na nakaupo sa passenger seat habang bahagyang nakabukas ang bintana nito at naninigarilyo nang pagsapit sa nasabing lugar ay lapitan siya ng mga suspek, tinutukan ito ng baril at hinablot ang kuwintas nitong nagkakahalaga ng P50,000.
Agad namang bumaba ang escort na si PO2 Salvador subalit siya ay tinutukan umano ng baril kaya inunahan niya itong putukan.
May tama na ang suspek nang sumakay ito sa motorsiklo ng kaniyang kasama subalit hindi pa nakalalayo ay bumagsak na ito sa kalye mula sa motorsiklo, kaya iniwan na siya ng kasamahang suspek.