3 mag-uutol patay sa lunod

MANILA, Philippines - Tatlong magkakapatid na lalaki ang iniahong pawang mga bangkay mula sa pagkalunod sa loob ng abandonadong gusali na puno ng tubig na dala ng bagyong On­doy, sa Binondo, Maynila, kahapon ng hapon.

Nabatid na 24 oras na ang nakalipas bago pa maiahon ang mga bang­kay nina Marlo Gardego, 21; Edwin Gardego, 34; at Arnulfo Gardego, 30 na pawang nalunod sa bina­hang basement ng Car­lito Puyat Building na ma­tatagpuan sa panulukan ng Escolta at Burke Sts., Binondo, Maynila (dating Syvels dept. store), kung saan caretaker umano ng gusali ang pamilya nila.

Sa ulat ni Det.Paul Dennis Javier ng Manila Police District-Homicide Section, dakong ala-1 ng hapon nang mareko­ber ang bangkay ng magka­kapatid sa loob ng bina­hang Carlito Puyat Bldg. matapos mabawasan ng mga rumespondeng bum­bero ang tubig-baha sa loob ng gusali.

Nabatid na ala-1 ka­ma­kalawa ng hapon pa nang unang mawala at malunod si Marlo, ha­bang gumagawa umano ng kulungan ng manok sa basement ng naturang building, na pinanini­wa­laang nadulas at ma­hulog sa tubig na may 14 talampakan ang lalim.

Nang hanapin umano ng ina nilang si Editha si Marlo upang manangha­lian ay hindi makita kaya ipinahanap sa isa pang anak na si Edwin.

Nagpasya umanong lumusong sa tubig si Edwin sa baha dahil sa nakitang marka na may nadulas sa isang bahagi ng basement. Hindi na rin umano umahon si Edwin kaya mas nataranta ang ina nila at tinawagan ang dalawa pang anak na lalaki mula sa Cavite upang tumulong sa pag­hahanap.

Dakong alas-6 ng hapon nang dumating sina Arnulfo at Romulo sa gusali at sila naman ang lumusong upang hanapin ang dalawang kapatid subalit si Romulo na lamang ang nakaahon.

Dahil sa pangyayari, agad namang nagpasak­lolo si Romulo at si Aling Editha sa Philippine Coast Guard (PCG) na umabot sa ilang oras ay hindi natagpuan ng frog­men ang magkakapatid.

Dakong ala-1 ka­hapon ng tanghali nang marekober ang bangkay ng tatlong magkakapatid.

Show comments