MANILA, Philippines - Dalawa ang nasaktan matapos magkainitan at magpang-abot ang mga tagasuporta ng dalawang kandidato sa pagka-alkalde ng Maynila sa gitna ng pagkakabit ng campaign posters sa Pandacan District, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang mga nasugatan na sina Roldan de Guzman, 37, kapwa supporter umano ni Manila Mayor Alfredo S. Lim.
Dinakip naman ang 12 kataong tagasuporta ni dating DENR Secretary Lito Atienza, habang pinaghahanap pa ang iba pang nagsitakas matapos ang pagkuyog umano sa mga biktima.
Ayon sa pulisya, naganap ang insidente dakong alas-2:30 ng madaling-araw sa Quirino Highway malapit sa Plaza Dilao, Paco, Maynila.
Sa imbestigasyon, habang nagdidikit umano ng mga poster ang tagasuporta ni Lim ay dumating ang limang multicab na may sakay na hindi bababa sa 30 katao, na pawang may dalang campaign posters ni Atienza.
Pinagbabato umano ng mga tao sa multicabs ang nagdidikit na sina De Guzman at Gil sa gilid ng Quirino Highway.
Sa panig naman ni C/Insp. Rey Cocson, ng Zamora Outpost, Plaza de la Virgen, Brgy. 826 Zone 89 , tinungo nila ang kaguluhan at sinamahan sila sa MPD-GASD para sa paghahain ng kaso.
Nakatakdang sampahan ng kasong physical injuries at damage to properties ang mga nadakip. (Ludy Bermudo at Doris Franche)