MANILA, Philippines - Nasawi ang isang 26-anyos na lalaki habang nasa kritikal na kondisyon naman ang kanyang nakababatang kapatid na lalaki matapos na sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang konkretong poste sa Parañaque City kahapon ng madaling-araw.
Agad na nasawi makaraang mabasag ang bungo si Alvin Rito, ng Block 18 Lot 44 Phase 3 Maryhomes Subdivision, Molino 4, Bacoor, Cavite habang inoobserbahan naman ang kondisyon ng 16-anyos na si Richard sa Florencio Bernabe Sr. Memorial Hospital.
Sa ulat ng Parañaque Traffic Management Unit, dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang maganap ang aksidente sa kahabaan ng C-5 Road Extension, Brgy. San Dionisio, ng naturang lungsod.
Nabatid na magka-angkas ang magkapatid sa isang Suzuki motorcycle na minamaneho ni Alvin nang mawalan ng kontrol pagsapit sa isang kurbadang bahagi ng kalsada. Dire-diretsong sinalpok ng motorsiklo ang konkretong poste ng ilaw sa center island sanhi upang kapwa tumilapon ang magkapatid.
Nabasag ang ulo ni Alvin sanhi ng agad nitong kamatayan habang nagtamo rin ng pinsala sa ulo at sa iba pang bahagi ng katawan ang angkas na si Richard. (Danilo Garcia)