MANILA, Philippines - Dapat tiyakin ng Commission on Elections (Comelec) na maibibigay ang marapat at buong allowance ng may 300,000 na magbabantay sa darating na May 10 elections. Ayon kay Manila Vice mayoralty candidate Bonjay Isip-Garcia na hindi marapat na gawing hulugan ang pagbabayad sa mga gurong magsisilbi sa halalan. Ayon kay Bonjay, ang mga teachers na magsisilbing Board of Election Inspectors (BEIs) ay marapat lamang na matanggap na ang kanilang mga allowance dalawa o isang linggo bago sumapit ang araw ng eleksyon sa Mayo 10.
“Malaking sakripisyo ang gagawin ng mga teachers sa araw ng eleksiyon. Madalas, hindi kaagad naibibigay ang kanilang honorarium o allowance kaya sila na mismo ang gumagastos para sa kanilang pamasahe at pagkain. Sana ’wag naman nilang gawing hulugan ang dapat ay sa mga guro,” pahayag ni Bonjay.
Ayon pa kay Bonjay, hindi lamang ang Comelec ang dapat na kumilos kundi pati ang Department of Education (DepEd) para hindi na maulit ang pagkakaantala sa kabayaran ng mga teachers. Kaugnay nito, nanawagan din si Bonjay sa kapulisan sa Maynila na siguruhin ang kaligtasan ng mga teachers na magsisilbing mga BEIs sa araw mismo ng eleksiyon. Isa ang Maynila na tinukoy ng National Capital Region Police Office bilang election hotspot sa pitong siyudad sa rehiyon kasama na ang Muntinlupa, Parañaque, Taguig, Makati, Pasay at Quezon City.