MANILA, Philippines - Nakatakdang sampahan ng panibagong kaso ng katiwalian ang matataas na opisyal ng Manila City hall ngayong araw sa Office of the Ombudsman.
Ito na ang pangalawang kasong paglabag sa anti-graft and corrupt practices act na isinampa ni Atty.Reynaldo Bagatsing laban kina Manila Mayor Alfredo Lim at mga opisyal nito kaugnay sa umano’y moro-moro or rigged public bidding sa nakatakdang repair at upgrading works ng 13 elementary at 2 high school sa lungsod na nagkakahalaga ng P23,550,000.
Si Bagatsing ay pangulo ng Philippine Anti-Graft Crusaders, Inc. (PAGCI) kung saan bukod kay Lim kinasuhan din nito sina Secretary to the Mayor Rafaelito Garayblas, chairman ng bid and awards committee; City Legal Officer Renato de la Cruz, OIC-Treasurer Vicky R. Sanchez at ibang pang BAC members.
Lumiham din si Bagatsing kay Commission on Audit Chairman Rey Villar na agad maglabas ng kautusan na ihinto ang pagbayad sa mga nanalong contractor at ipawalang bisa ang mga kontrata na naipagkaloob sa mga ito.
Nauna ng kinasuhan ni Bagatsing si Lim dahil sa bentahan ng Century Park Hotel at ng 4.5 hektaryang lupain na kinakatirikan nito sa halagang P1 bilyon lamang samantalang ang tunay na market price o halaga nito ay hindi bababa sa P4 bilyon. (Gemma Amargo-Garcia)