MANILA, Philippines - Puntirya ni QC Vice-Mayor Herbert “Bistek” Bautista, na ngayon ay tumatakbong mayor sa ilalim ng Liberal Party na pangalagaan ang kalusugan ng mga residente, kaya naman mahigpit na pinatutukan nito sa health office ng lungsod ang lumalalang kaso ng paggamit ng “magic sugar” sa mga palengke at mga ambulant vendor.
Ayon kay Bistek, kailangang masigurong ligtas ang mga residente sa lungsod sa mga binibiling pagkain sa kalye lalo na ang mga pampalamig, dahil batid naman ng lahat na ang nasabing asukal ay may masamang epekto sa kalusugan sa sandaling mainom.
Pinasisiyasat din ni Bistek sa health office ang mga palengkeng pinaniniwalaang nagbebenta nito matapos mapag-alamang nagkalat na ito sa merkado.
Samantala, katuwang ni Bistek sa nasabing aksyon si Vice mayoralty candidate Joy Belmonte, lider din ng grupo ng mga kababaihan na humihikayat sa mga taga -lungsod na maging mapanuri sa kanilang mga binibiling pagkain sa labas o sa loob man ng mga malls.
Naging adhikain ng dalawang opisyales na bigyan ng magandang kalusugan ang mga taga -QC kung kaya patuloy ang pagbibigay paalala ng mga ito na mag-ingat at maging mapanuri sa kanilang mga binibili.