Masinloc mayor kakasuhan
ZAMBALES , Philippines – Nakatakdang kasuhan ang alkalde ng bayan ng Masinloc matapos na ipag-utos nito na gibain ang dalawang security outposts ng minahan sa mga Barangay Taltal at Baluganon sa bayan ng Masinloc, Zambales noong Biyernes (Marso 19). Sinabi ni Arsenia Lim, administrator ng Compania Minera Tubajon, Inc. (CMTI) na dating Coto Mining Corp., inihahanda na ng kanyang mga abogado ang dokumento para kasuhan si Masinloc Mayor Jessu Edora. Ayon kay Lim, ipinag-utos ni Mayor Edora sa kanyang mga tauhang pulis at sundalo na wasakin ang dalawang security outpost at disarmahan ang mga CMTI security personnel. Itinanggi naman ni Lim na pinagbabawalan nilang gamitin ng mga residente ang kalsada na pag-aari ng CMTI upang makarating sa kanilang komunidad. Ang mga security outpost ay naitinayo upang pangalagaan ang mga ari-arian ng CMTI at malayang nakakapasok ang mga sasakyan. “Ang pagkakaalam ko, nagsumite na si Mayor Edora ng 14 mining application sa loob ng dating Coto Mining Corp. na kanyang ipinangalan sa kanyang mga anak at kamag-anak,” dagdag pa ni Lim. Hindi naman makontak si Mayor Edora para magbigay ng kanyang panig kaugnay sa nabanggit na akusasyon. (Randy Datu)
- Latest
- Trending