Banggaan ng 3 sasakyan, 1 patay

MANILA, Philippines - Patay ang isang tsuper habang dalawa pa ang nasu­gatan sa salpukan ng mga sasakyan sa Caloocan City kamakalawa ng gabi. Nakilala ang nasawi na si Gomer Ismael Garcia, 34, ng Lucky Homes Subdivision, Deparo ng lungsod na ito, habang sugatan naman sina Charlotte Pelayo, 26 at Camille Santos, 19.

Naganap ang insidente dakong alas -7 ng gabi habang binabagtas ni Randy Bacale dala ang Isuzu Cargo Truck (WSD-471) na may laman na mga softdrinks ang Susano Road, Deparo nang may bumato sa truck. Biglang huminto si Bacale upang habulin ang nambato subalit nagbagsakan ang dalang softdrinks sa kalsada.

Dahil dito, nawalan ng kontrol ang kasunod na Isuzu AUV (WGW-647) na minamaneho ni Garcia at nabundol ang nakatigil na cargo truck. Sa lakas ng impact ay napinsala nang husto ang nasawi at nadamay pa ang pampa­sa­herong jeep (TBB-982) na sinasakyan nina Pelayo at Santos. (Lordeth Bonilla)

Show comments