Obrero ninakawan na, pinatay pa

MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang pinatay muna sa saksak bago pinag­nakawan ang isang construction worker sa loob ng ginagawang bahay sa Valenzuela City kahapon ng umaga. Nakilala ang biktima na si Edgardo Marciano, 35, ng Marilao, Bulacan at stay-in sa Assumption Village, Brgy. Lingunan ng lungsod na ito.

Ayon sa pahayag sa pulisya ni  Leo Tulalian, na­batid na alas-7:40 ng umaga, binisita niya ang kanilang pinagagawang bahay sa nasabing lugar subalit napansin nito na bukas ang pintuan. Hinanap ni Tulalian ang bik­tima at nang umakyat ang una sa roof top ay nakita ang dugu­ang katawan ni Marciano. Lumalabas na may saksak sa leeg ang biktima at nawawala ang wallet nito at cellphone na kinuha ng hindi pa nakikilalang suspek. Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga pulis hinggil sa nasabing insidente. (Lordeth Bonilla)

Show comments