MANILA, Philippines - Sinalakay ang mga samalamig na vendors sa kahabaan ng Juan Luna at C.M. Recto Avenue matapos makakuha ng impormasyon ang Manila Police District-Station 2 kahapon hinggil sa paggamit ng mga ito ng magic sugar ng kanilang panindang inumin.
Kinumpiska ang mga paninda ng halos lahat ng vendor ng palamig na gulaman, sago, buko at iba pang flavor na may inihalong magic sugar o Neotogen na masama sa kalusugan dakong alas-12 ng tanghali kahapon. Nasamsam ang mga basyong plastic na pinaglagyan ng magic sugar at ilan pang natitirang may nakasilid na magic sugar, na pawang nagmula sa bansang Indonesia na ibinabagsak lamang umano sa mga vendor ng isang suplayer mula sa Quiapo, Maynila.
Umaamin ang mga vendor na matagal na silang gumagamit ng magic sugar dahil matipid at hindi madaling tumabang ang tamis kung madalas ang paglalagay nila ng yelo. (Ludy Bermudo)