MANILA, Philippines - Dead-on-arrival sa pagamutan ang isang 2-taong gulang na paslit habang sugatan naman ang dalawang kasama nito nang masagasaan ng pampasaherong dyip, sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang nasawi na si Marian Bitantes, ng Interior 20, Laong Nasa St., Tondo, Maynila, sanhi ng pagkabasag ng bungo at matinding sugat sa katawan.
Ang kanyang lola na si Esmaelita Lopez, 60, ay nabalian ng ribs at tiyahing si Marites Yarcia, 36, ay nagtamo ng minor injuries. Kapwa sila ginagamot sa Philippine Orthopedic Hospital.
Sumuko naman ang driver ng dyip na kinilalang si Tomas Marquezo, 40, namamasada ng biyaheng Sangandaan-Divisoria, residente ng Libis Nadurata, Caloocan City.
Sa imbestigasyon ni Det. Mario Jorge ng Manila Police District-Traffic Enforcement Unit, ang insidente ay naganap sa Juan Luna St. sa tapat ng Puregold Shopping Complex, sa Tondo, Maynila dakong alas-6:30 ng gabi, kamakalawa.
Nabatid na nawalan ng preno ang dyip kaya’t inararo nito ang tumatawid na magkakamag-anak na patungo umano sa mall.
Inihahanda naman ang mga kasong reckless imprudence resulting in homicide at two counts ng physical injuries para isampa sa piskalya laban sa driver na si Marquezo, na nakapiit sa MPD-TEU.
Samantala, isang 60-anyos na lolo rin ang nasawi makaraang mabangga ng rumaragasang bus ng Elena Bus Liner habang tumatawid ito sa EDSA Extension, sa Pasay City kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang nasawi sa pamamagitan ng kanyang senior citizen ID na si Efren Langrio, residente ng Kalayaan Avenue, Brgy. West Rembo, Makati City.
Hawak naman ngayon ng pulisya ang driver ng bus na si Sonny Bugayan, 25, ng San Jose del Monte, Bulacan.
Nahaharap ito ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.
Sa ulat ng Pasay Traffic Management Unit, naganap ang insidente dakong alas-11 ng gabi sa EDSA malapit sa Roxas Boulevard, ng naturang lungsod. Nabatid na tumatawid ng naturang kalsada ang biktima nang mahagip ito ng bus ng Elena Liner (TXF-971). (Dagdag ulat ni Danilo Garcia)