MANILA, Philippines - Nagsampa ng kasong libelo ang mag-amang sina Taguig City Mayor Freddie Tinga at ama nitong si dating Supreme Court Associate Justice Dante Tinga laban kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jeffrey Roquero.
Isinampa ang kaso sa opisina ni Department of Justice Chief State Prosecutor Claro Arellano laban kay Intelligence Officer 2 Roquero dahil sa mga pahayag nito na nailathala sa isang pang-araw-araw na pahayagan.
Sa kanilang affidavit, kapwa sinabi ng mag-amang Tinga na ang artikulong lumabas noong Marso 4 ay “maliscious, false, baseless, and without factual basis”.
Sa naturang ulat, inakusahan ni Roquero ang mag-amang Tinga na inimpluwensiyahan umano si Pasig City Regional Trial Court Judge Raul Villanueva para madismis ang kaso sa iligal na droga ng mga sinasabing kaanak na sina Alberto at Fernando Tinga at isang Allan Carlos. Ibinase ang ulat sa “complaint affidavit” na isinumite ni Roquero sa Korte Suprema na humihiling na i-disbar si Judge Villanueva.
Iginiit ng mga Tinga na mismong si Roquero ang nagbigay ng kopya ng “complaint affidavit” na dapat umanong isang “confidential” na dokumento.
“The publication of the article accusing them not only of influencing Judge Villanueva, but of coddling drug pushers, again without any proof thereto, has not only besmirched the reputation of a former high-ranking official in the judiciary, but has likewise affected the public’s perception on the Tinga family’s integrity and standing,” ayon sa pinagsamang affidavit ng mag-ama.
Kasama pa sa affidavit ng mga ito ang akusasyon na nagpagamit umano si Roquero sa mga hindi kilalang pulitiko na layong sirain ang pangalan ng mga Tinga. (Danilo Garcia)