MANILA, Philippines - Magiging sandata rin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga closed circuit television (CCTV) cameras laban sa posibleng sumiklab na mga karahasan at pandaraya sa Metro Manila sa eleksyon.
Sa kabila na umaasa ang NCRPO na magkakaroon ng mapayapa at tapat na halalan, hindi pa rin ipinagsasawalang-bahala ng pulisya ang seguridad. Kasalukuyang tinatapos na ng pulisya ang planong ireposisyon ang kanilang mga CCTV camera sa mga lugar na tutukuyin ng Commission on Elections (Comelec) na mga areas of concern sa Kamaynilaan.
Sa inisyal na pagtataya ng NCRPO, may maliit na tsansa na magkaroon ng karahasan sa 16 na lungsod at 1 munisipalidad sa Metro Manila. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang mahigpit umanong pagpapatupad ng “gun ban” matapos na malusutan ng mga “hired gunman” na pumaslang kay “jueteng whistleblower” Boy Mayor sa Pasay City.
Gagamitin rin ng NCRPO ang Regional Tactical Operations and Intelligence Center (RTOIC) na sentro ng monitoring ng NCRPO sa Metro Manila. Tiniyak naman ni NCRPO Director Roberto Rosales na pagmimintini lamang ng kapayapaan sa mga “polling precincts” ang kanilang tutukan at hindi ang paniniktik sa karapatan sa malayang pagboto ng mga botante.
Ang pagkakabit naman ng mga CCTV camera sa mga polling precincts ay inaasahan umano na hahadlang sa mga palalong kandidato sa pagdadala ng armas, iligal na pangangampanya at pagbili ng boto.
Isusulong naman ng NCRPO ang naturang plano kay Comelec-NCR regional director, Michael Dioneda sa pamamagitan ng Joint Security Coordinating Center (JSCC). (Danilo Garcia)