Trader binoga, patay

MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 50-anyos na negosyante ng isa sa riding-in-tandem, habang nadamay at suga­tan naman ang kapitbahay nitong lalaki at isang paslit sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Sa Metropolitan Medical Center tuluyang binawian ng buhay ang biktimang si Jesus Delima Damayo, ng Quiricada St., Sta. Cruz, Maynila sanhi ng tama ng bala sa katawan.

Nilalapatan din ng lunas sa nasabing pagamutan ang nasu­gatang sina Angelica Ann Marie Celes, 6; at Richard Felipe Panaligan na tinamaan ng ligaw na bala.

Nakaratay naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang hindi pa nakikilalang suspek matapos madakip nang kuyugin ng taumbayan habang ang kasabwat nito na siyang nagmamaneho sa motorsiklo ay nakatakas.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng Yakal at Nicolas Sts., Tondo.

Nabatid na una nang nakitang paikut-ikot ang dalawang lalaki na magka-angkas sa motorsiklo kaya sinita ng barangay tanod na dagli namang umalis. Hindi nagtagal ay bumalik ang dalawang suspek at bumaba sa motorsiklo ang angkas at pinaulanan ng putok ang biktima. Nagkataong naroon sa lugar sina Celes at Panaligan na nahagip ng mga bala. (Ludy Bermudo)

Show comments