Hayden Kho tinabla ng PRC

MANILA, Philippines - Ibinasura ng  Professional Regulation Com­mis­sion (PRC) ang apela ni Hayden Kho na maibalik sa kanya ang lisensiya ng pagiging doktor.

Ito ay  matapos sabihin ng PRC-Board of Medi­cine na walang merito ang isinumiteng apela ni Kho kaugnay sa naunang desisyon na tang­galan siya ng lisensiya matapos mapatunayang guilty sa immorality at dishonorable at unethical conduct.

Nabatid na iginiit ni Kho sa motion for recon­sideration na napagkaitan siya ng due process at ang isyu na dinesisyunan ay hindi naman du­maan sa pre-trial. Subalit sa 2-pahinang kautusan na may petsang Pebrero 10, 2010, nilinaw ng Board na ang argumentong inihain sa mosyon ni Kho ay natalakay na kaya inilabas ang desisyon noong Nob. 20, 2009 at nabigyan naman umano ng pagkakataon si Kho na sagutin ito.

Nilinaw din ng Board na ang pag-amin naman ni Kho na siya ay gumamit ng Ecstacy ay hindi isyu sa kaso kundi nagpalala lamang sa pa­rusang ipinataw sa kanya.

Ibinase ang pag-revoke ng lisensiya sa kahi­lingan ni Katrina Halili dahil hindi umano alam ng aktres na inirekord ang  kanilang mga pagtatalik. Nais nito na hindi na magawa pa ni Kho sa iba pang babae ang naranasan sa doktor.

Una nang sinuspinde ng Philippine Medical Association si Kho bilang doktor noong Set­yem­bre 2, 2009 bukod pa sa kinakaharap nitong mal­practice sa PRC sa reklamo ni Halili habang ang National Bureau of Investigation naman ay nag­hain laban kay Kho ng sexual vio­lence against women kaugnay sa pag-video tape ng sexual encounters kay Halili. (Ludy Bermudo)

Show comments