MANILA, Philippines - Tatlong miyembro ng taxi holdup gang ang nasawi matapos na makipagpalitan ng putok sa tropa ng Quezon City Police District (QCPD) ilang minuto matapos na holdapin ng mga ito ang isang taxi driver at tangayin pa ang sasakyan nito sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-the-spot ang mga suspek na pawang isinalarawan ang isa sa edad na 30-35, 5’5’’ ang taas; mahaba ang buhok; nakasuot ng puting t-shirt at maong pants; nakatsinelas ng Islander at may tattoo na “Guppreyna” sa likuran; ang isa ay nasa edad na 30-35, 5’3’’-5’5’’ ang taas; nakaputing sando at short pants at tadtad ng tattoo sa buong katawan kabilang ang Sputnik; at ang huli ay nasa edad na 25-30, 5’2’’ ang taas, mahaba ang buhok; payat; nakasuot ng dilaw na t-shirt at may tattoo sa leeg.
Ayon kay PO2 Hermogenes Capili, ng Criminal Investigation and Detective Unit ng QCPD naganap ang engkuwentro matapos na humingi ng saklolo ang biktimang si Joel Villona, 40,driver ng NRG taxi (TXR-985) at residente ng Bagong Silang, Caloocan City makaraang holdapin siya at tangayin pa ang minamanehong taxi ng mga suspect.
Nangyari ang engkuwentro sa kahabaan ng Congressional Avenue, Brgy. Bahay Toro sa lungsod pasado alas- 2 ng madaling-araw.
Bago ito, sumakay umano ang isa sa mga suspek kay Villona at nagpahatid sa Culiat Tandang Sora.
Ayon kay Villona, inatasan umano siya ng suspect na pasukin ang makipot na kalye sa Project 6 hanggang sa huminto sila sa isang gate na sarado.
Sinabihan umano siya ng suspek na pumasok sa gate dahil kukunin umano nito ang asawang manganganak hanggang sa sumulpot na ang dalawa pa sa mga suspect at tinutukan siya ng baril.
Agad na kinuha ng mga suspect ang wallet ng biktima at hindi pa nasiyahan ay pinababa siya saka tinangay ang kanyang taxi.
Sa puntong ito, humingi na ng tulong ang biktima sa pulisya hanggang sa ialarma ito sa DPIOU-ANCAR Mobile 183 na nagsagawa ng pagpapatrulya sa may Visayas Avenue. Mula rito ay naispatan ng awtoridad ang isang taxi na humaharurot ng takbo sa may kahabaan ng Congressional Avenue hanggang sa habulin nila ito at sumalpok sa center island.
Sa pagsalpok ng taxi ay agad na nagsipagbabaan ang mga suspect dito kasabay na pinaputukan ang mga pulis.
Gumanti naman ng putok ang mga awtoridad at makalipas ng ilang minutong pa litan ng putok ay idineklarang patay ang mga suspect na nagtamo ng mga tama ng bala sa kani-kanilang mga katawan.
Narekober sa lugar ang isang kalibre 357 paltik; isang kalibre 38 paltik na baril, at wallet ng biktimang si Villona.
Pinaniniwalaan ding ang mga suspect ang nambiktima sa dalawang lalakeng naka-motorsiklo sa isang pekeng checkpoint matapos magpakilalang mga alagad ng batas.