2 obrero timbog sa panghahalay sa ginang
MANILA, Philippines - Naaresto ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang dalawang obrero na inireklamo ng isang ginang na umano’y halinhinang gumahasa sa kanya sa loob ng construction site sa Intramuros, Manila.
Kinilala ang mga suspek na si Nelson Cresaldo, 45, isang mason ng Pedro Sabido St., Las Piñas City at Benjamin Catacutan, 44, karpintero ng Real St., Intramuros, Manila dahil sa reklamo ni Tina, hindi tunay na pangalan, 30, ng Intramuros, Manila.
Sa report ni SPO4 Cenon Parungao, desk officer ng MPD-Station 5, sa pagitan ng alas-6 hanggang alas-7 ng gabi noong Enero 30 nang naganap ang umano’y panghahalay sa kanya sa loob ng construction site ng Seaman’s quarter sa kanto ng Real at Magallanes St., Intramuros, Manila.
Ayon sa salaysay ng biktima, nagtungo umano ito sa construction site upang maningil ng pautang matapos nitong nakausap sa cellphone si Cresaldo na naroon pa sila.
Inabutan umano ng biktima na nag-iinuman ang dalawa at nang nalasing na umano ang mga suspek ay puwersahan umano siyang hinalay ng dalawa sa loob ng kubeta.
Kahapon lamang nagsumbong sa pulisya ng biktima dahil natatakot umano siyang malaman ng iba ang pangyayari kayat kaagad nagtungo sa construction site ang mga awtoridad at naaresto ang mga suspek.
Pareho namang itinanggi ng mga suspek na puwersahang hinalay nila ang biktima at sinabing kusang loob itong pumayag ng yayain ni Cresaldo sa CR at nanilip lamang umano si Catacutan. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending